Devin Hita

Devin Hita

Saturday, February 19, 2011

Ang Aking Talambuhay (Devin Hita)

ngayong ako ay 16 years old na
ng ako ay nagtapos ng elementarya
si angelo na nakatatanda sa aken at ako

      Sa pag-uumpisa ng inyong pagbasa sa aking talambuhay, sana ay maging inspirasyon ito sa inyo. Sa mga katulad kong pinagsasabay ang pag-aaral, pagtulong sa pamilya at pagtatrabaho para sa personal na pangangailangan, sana ay magsilbi akong magandang halimbawa.
      Siguro nga ay sa una ay pasaway ako pero habang may pagkakataon ay kaya ng kahit na sino na magbago. Sana ay magustuhan ninyo ang pitak na ito.
      Lumaki akong nabiyayaan lamang ng tatlong kayamanan: ang aking pamilya mga kaibigan at ang edukasyon.
     Ang aking ina ay si Luningning Diamante Hita. Isinilang siya noong ika-20 ng Agosto 1966. Walong taon na siyang mananahi at nagsisilbing kaagapay ng aking ama sa pagtaguyod sa amin. Ang aking ama naman ay si Domingo Hachero Hita. Isinilang siya noong ika-6 ng Nobyembre 1960 at isang manininda sa palengke. Kasalukuyan kaming naninirahan sa Purok VI Mahabang Parang St. San Francisco, Lunsod ng San Pablo.  Lima kaming magkakapatid. Si Mark Jun ang aking panganay na kapatid. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Stalder Laboratories bilang isang production worker at nagtapos ng kursong AB Psychology sa Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo. Michael Glenn naman ang pangalan ng ikalawa kong kapatid. Ngayon ay nasa Iloilo siya at nagtatrabaho sa kaibigan ng aming pamilya. Ikatlo ay si Mike Angelo na nasa ikaunang antas ng kolehiyo sa parehong kursong kinuha ng aking panganay na kapatid sa naturan ding kolehiyo. Ako ang ikaapat sa amin at sinundan ng bunso at kaisa-isa kong kapatid na babae na si Ludelyn. Nasa ika-5 grado na siya sa elementarya at palaging kasama sa mga pinakamagaling sa kanilang pangkat.
     Maglaro lamang at magutom ang alam ko noong di pa ako pumapasok, pero tinuruan ako ng una kong guro, ang aking ina, ng mga aral na dapat matutunan ng mga may mura pang isip. Ang simpleng pagsunod sa mga pinag-uutos ni Mama ang una kong natutunan. Siya ang una kong amo!
     "Wag kang magpapagabi ng uwi!"
     "Wag ka masyadong magpapawis at baka magkasipon ka!"
     "Iben, sumunod ka sa sinasabi ng mga kuya mo!"
     Sa mura kong edad ay natutunan ko nang magpasailalim sa napakaraming amo. Kaya kalimitang kinakalaban ko ang nauna sa akin, si Angelo. Hanggang ngayon ay meron pa rin kaming pinagtatalunan pero hindi na katulad ng dati na nauuwi sa iyakan at pagsumbong kay Mama o kay Papa.
     Sa pagdaan ng araw ay kinailangan ko na ring mag-aral kaya ipinasok ako ni Mama sa Day Care Center bilang kinder. Noong una ay nahirapan ako hindi sa mga leksyon kundi sa pakikibagay sa aking mga kaeskwela. May isa pa nga sa kanila na walang ginawa kundi ang ipahiya ako araw araw. Sa pagtatapos ko bilang kinder, nabigyan ako ng award bilang ikalawa sa pinakamahusay sa amin! Naging masayang karanasan ang pag-aaral sa akin pero mas naging masaya ako noong nagbakasyon na.
Sa bakasyong iyon ay napabilang ang aking ina sa "Pera o Bayong" ng Magandang Tanghali Bayan bilang contestant. Bagama't hindi nanalo si Mama ay isa yong nakakatuwang karanasan dahil nakita namin si Mama sa telebisyon. Pagdating niya sa bahay ay may pasalubong siyang laruan sa akin na sa kalaunan ay iniyakan ko dahil naiwala ko rin, kagaya ng mga nauna kong laruan.
     Pagkatapos ng mahabang bakasyon ay pumasok na ako bilang Grade1 sa Fule Almeda. Sa unang araw ay naging maingat ako sa paggalaw at tahimik sa klase ngunit habang tumatagal ay naging pasaway ako at naging isang sakit sa ulo ng aking mga guro.
pamula sa kaliwa ay si angelo, mark jun, michael glenn at ako noong limang taong gulang


     May isang pagkakataon naman na napagalitan ako ng aking guro dahil sa kung paano ako magsulat. Para daw tren ang sulat ko na ang akala ko pa ay tama. Napagalitan din ako ng ina ko dahil dun. Tumagal ang aking pagiging pasaway hanggang ikatlong baitang. Nang nasa ikaapat na baitang na ako nang pumasok sa isip ko na dapat na akong kumilos ng ayon na hindi katulad ng dati na halos araw araw akong pinapupunta sa office ng principal at pinaglilinis ng silid aralan o kaya ay ng banyo.
     Nagbago ang lahat na para akong binenditahan at nawala ang masama kong ugali.
Pagdating ko sa ikaanim na baitang ay nagsumikap akong pataasin ang aking mga marka. Sa eded ko ring ito naranasan ko na magtrabaho para may maipandagdag sa aking baon. Tuwing Sabado at Linggo kasi ay tumutulong ako sa isang Buko Pie Factory na malapit sa amin. Ako ang naglalagay ng mga nalutong buo pie sa plastic at nagpapatas ng mga iyon sa kahon nito. Ako ang nagdesisyon na pumasok bilang manggagawa dahil wala naman akong gaanong ginagawa sa bahay. Kaya imbes na tumambay ay nandun ako't gumagawa ng pagkakakitaan. Sinigurado ko kay Mama na hindi bababa ang aking marka kahit na may mahalaga akong ginagawa sa mga araw na walang pasok.
     Naging maganda naman ang aking pagpupursige sa pag-aaral dahil nakatapos ako ng elementarya at pinarangalan pa bilang "Boy Scout of the Year."
     Sa wakas ay pumasok na rin ako bilang estudyante sa Mataas na Paaralan at dito nga ako napadpad, sa Col. Lauro DF. Dizon Memorial National High School, na dati ay SPCNHS Annex V.
     Napabilang ako sa ikatlong seksyon. Panibagong pakikibagay, ka-eskwela at magiging kaibigan, ito ang tunay na kahulugan ng unang taon sa high school. Nakilala ko ang aking mga kamag-aral na kalaunan ay naging kaibigan ko din. Doon din nabuo ang barkadahan namin na noong una ay naging mahirap sa pakikisama dahil na rin siguro sa iba't ibang ugali at nanggaling sa iba't ibang paaralan sa iba't ibang antas ng pamumuhay. Ngunit natapos ang taon na naging maganda ang aking marka at walang naging problema sa aming barkadahan. Nagkaroon man ng konting di pagkakaunawaan sa pagitan namin ay isa lang iyong natural na pangyayaring nagiging pundasyon ng tunay na pagkakaibigan namin.
     Nagkaroon kami ng dalawang bagong kaklase ng sumunod na taon na naging parte rin ng lumalago naming pamilya sa Dizon. Pangit mang pakinggan ngunit sa kanila din ako natutong nag-inom, mag cutting classes at kung anu ano pang kalokohang hindi ko naranasan bilang batang estudyante, tulad na lang nang minsang nagkakasundo kaming buong magkaklase na indyanin ang panghapong pasok at isinasara namin ang aming silid! Isa pang kalokohan ay ang pagiging "isa" namin sa mga exams. Literal na pare-pareho ang aming sagot at nakakakuha ng iisa't pare-parehong marka. Alam naman naming hindi iyon ang dapat na gawain ng isang matinong estudyante ngunit nakakatuwang isipin na kabilang ka sa isang grupong masaya at nagkakasundo sa mga trip. Hindi ko malilimutan ang mga karanasang 'yon sa ikalawa kong taon sa sekondarya.
     Para sa akin, memorable ang pag-aaral hindi dahil sa mga leksyon na tinuturo sa bawat subjects kundi dahil sa kapasawayan na ginagawa mo kasama ng mga itinuturi mong kaibigan at natututunan ang mga aral ng buhay na nakukuha mo sa sarili mong kamag-aral.
     Nagkahiwa-hiwalay na kami nung tumuntong na kami sa ikatlong taon sa hayskul. Ang iba kasi ay tumaas ng seksyon, may ibang bumaba at may naiwan. Gayunman ay nagkakasama pa rin kami sa mga oras na walang klase.
     JS... ito yung panahong pwede mong maisayaw ang mga espesyal na taong nakilala mo sa loob ng mga taong nanatili ka sa paaralan. Ito na siguro ang alaalang hindi ko malilimutan bilang isang Junior student.
     Sa ikaapat na antas ko na at masasabi kong isa na akong "pure blooded B!" Dito ko nakilala nang husto at naging best friend ang itinuturing kong pinakamalapit na kaibigan. Noong una ay higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya, pero mas mabuti ang relasyon namin ngayon bilang magkaibigan. Dito ko rin naranasang manligaw at ma-knock down ng isang babae. Sa ngayon ay may karelasyon ako na nakilala ko sa cell phone.
     Nagkaroon ulit ng JS Prom na sa una'y inakala naming hindi magiging masaya ngunit ang Prom ngayon ay isang hit para sa akin. Kahit nga hindi nakasama ang lahat ng kaklase ko ay isa pa rin itong matagumpay at masayang selebresyon bago kami magtapos ng high school.
     Ang inyong lingkod pala ay si Devin Diamante Hita na nabigyang buhay noong ika-12 na Disyembre 1994. Isang mabuting anak, kabarkada, pasaway at natututo, isang Pure Blooded B, at isang proud Dizonian!
nang nag CHAMPION ang 4BLASERS sa CHEERDANCE, ako yung nasa ibaba na may hawak na jersey
pamula sa kaliwa si bryan, meldwin, musa, ako, kevin, paulo, lester, xyrex at si king. Litrato ito ng kame ay nag js.

No comments:

Post a Comment